Kamara, hindi pwedeng suwayin ang utos ng impeachment court

Nilinaw ni Senate President Chiz Escudero na hindi pwedeng tanggihan ng prosekusyon ang utos ng impeachment court sa Kamara na ibalik ang articles of impeachment.

Giit dito ni Escudero, hindi sila pantay ng Kamara pagdating sa bagay na ito kung saan ang Senado ang tumatayong korte habang ang Mababang Kapulungan ang tumatayong prosekusyon.

Ipinunto ng Senate president na hindi ito parang Bicameral committee na kailangan nilang magkasundo at legislative body kung saan co-equal branch silang maituturing.

Samantala, dumipensa si Escudero sa puna na ilang senator-judges na dapat ang kampo ng depensa ni VP Sara ang kumwestyon kung dumaan ba sa tamang proseso ang paghahain ng impeachment complaint at hindi ito trabaho ng impeachment court.

Katwiran dito ng senador, walang nakalagay na bawal ito sa rules ng impeachment at may kalayaan ang mga senator-judge na magsalita at magmosyon at hindi ito ipinagbabawal.

Kung may maghahain ng kaso, Korte Suprema na aniya ang may “final say” kung naaayon sa Konstitusyon ang kanilang ginawa.

Facebook Comments